Filipinolohiya

  • Uploaded by: Sy Cervantes
  • 0
  • 0
  • February 2021
  • PDF

This document was uploaded by user and they confirmed that they have the permission to share it. If you are author or own the copyright of this book, please report to us by using this DMCA report form. Report DMCA


Overview

Download & View Filipinolohiya as PDF for free.

More details

  • Words: 6,895
  • Pages: 9
Loading documents preview...
Paghahabi ng Landas: Tugon sa hamon ng Ganap na Pag-unawa sa Filipinolohiya. MVRio-Apigo (2002) Minsan ko nang sinabi sa isa sa aking mga binasang papel sa mga talakayang ganito na may hamon ang Filipinolohiya sa ating lahat. Bilang mga gurong nasa ilalim ng Kagawaran ng Filipinolohiya dito sa PUP, kapanalig o hindi kapanalig sa pagbuo, ginusto man natin o hindi na maging Filipinolohiya ang dating Filipino lang na deskripsyon ng ating yunit na kinaaniban o kinapapalooban sa malawak na sistema ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas---magkakasama o kasama tayong lahat sa kahingiang tugunan o matugunan ang hamon ng Filipinolohiya sapagkat alam man natin o hindi ay kasama tayo sa korpus na nagsilang ng Filipinolohiya bilang programa at disiplina sa PUP at marahil sa buong Pilipinas. Kaugnay nito kung kaya’t may malabis akong pagpapahalaga at pagnanasa na makatulong sa pagpapaunlad nito kahit pa sa pinakamaliit na paraan na magagawa ko yayamang ito ang pokus na disiplinang kinabibilangan ko bilang guro at magaaral sa akademya at Pilipinong Lipunan. Kailan lamang pagkaaran ng ilang araw na simula ng pasukan ay inatasan ako ng ating butihing tagapangulo na bumalangkas ng konsepto para sa isang seminar sa Filipinolohiya na may antas na pangnasyunal. Dalawa ang agad kong naging reaksyon; Una natuwa sapagkat napagtanto kong ang ating kasalukuyang tagapangulo (Prop. Jesusa M. Asinas) ay may pagpapahalaga at may konsepto ng pagpapatuloy sa Filipinolohiya na minana niya sa nakaraang pamunuan ng kagawaran, mahalaga at mapagbuong katangian yaon ng pagiging isang lider para sa akin; ikalawa- nagulat ako na may kasamang pangangamba at pag-aalinlangan bunga ng maraming kadahilanan. Isa sa mga kadahilanan na yaon ay ang pagpapalagay ko (nabanggit ko na ito sa papel na binasa ko noon sa kolokyum ng KWI noong nakaraang Enero, 2004) na maraming marami pa sa ating mga kasamang guro ang walang sapat na pagtanggap kundi man ay dahop sa paggagap sa kung ano ang Filipinolohiya. Dahil sa ganyan kong pagpapalagay medyo pesimistiko ako sa pananaw na maglunsad agad ng nasyunal na paseminar ang ating kagawaran ukol sa Filipinolohiya. Kaya’t hinamon kong muli ang sarili ko na gumawa ng nauukol na pag-aaral ukol dito. Pag-aaral na makapag-papawi ng pesimistiko kong reaksyon sa nasabing planong seminar at marahil pag-aaral na makatutulong upang minsan pa ay sama-samang makapagpasya at makapagbalangkas ng nauukol na hakbang para sa nasabing planong seminar. Dalawa ang direksyon ng papel na ito, una ay mapag-ugnay--mahanap o matukoy ang pagkakatulad at pagkakaiba ng Filipinolohiya ng PUP at Pilipinolohiya ng UP; pangalawa ay makahugpong at makapaghain ng ilang mungkahi para maging lundayan ng mungkahing pambansang seminar ng ating pangulo. Pilipinolohiya at Filipinolohiya sa usapin ng konsepto, karunungan at kamalayang Pilipino. Hindi lingid sa kaalaman natin na ang kapwa natin pang-estadong unibersidad ang Unibersidad ng Pilipinas (UP) ay may programa ring tinatawag na may lohiya sa dulo gaya ng sa atin, na Filipinolohiya sa atin at Pilipinolohiya sa kanila. At marahil tulad ng iba madalas ang tanong natin ay may pagkakatulad o pagkakaiba o kaya’y pagkakaugnay ang dalawa o baka naman sa P o F na tunog sa simula ng terminolohiya? FILIPINOLOHIYA Kahulugan Disiplina ng karunungan na nakasalig sa maka-agham na pag-aaral sa pinagmulan, kalikasan at ugnayan ng wika, panitikan, kultura, lipunan, kasaysayan, komunikasyon at iba pang batis ng karunungang Pilipino, gayundin ay nililinang nito ang mga karunungang ambag ng mga Pilipino sa daigdig ng mga karunungan (nasa tesis ni MV Apigo-2001 batay sa panayam kay Prop. Gandhi G. Cardenas). Nakatuon sa pagpapakadalubhasa sa pagtuturo at pagkatuto ng wikang Filipino gayundin sa holistikong pag-uugnay nito sa iba pang batis ng karunungang Pilipino na bumubukal sa panitikan, kultura, kasaysayan, antropolohiya, agham sikolohiya, pilosopiya at iba pang disiplina na nangangahulugan ng pagtataglay nito ng interdisiplinaryong paraan ng pag-aaral (mula sa artikulong isinulat ni Prop. Cardenas sa pahina ng Dalubwika o The Lingguist (opisyal na pahatid-kalatas ng KWL, p. 5, 2001). Sa Pagsisimula Sa tulong ni Prop. Abadilla iniharap ni Prop. Gandhi G. Cardenas, (tagapangulo noon ng Dept. Ng Filipino na nasa ilalim ng kolehiyo ng mga Wika at Linggwistika) sa pulong ng Pang-unibersidad na Komite sa kurikulum na ebalwasyon (University Curriculum Evaluation Committee) noong ika-28 ng Pebrero, 2001. Matapos maaprubahan ay nagsimulang tumanggap ng mga mag-aaral bilang pang-akademikong programang pambatsilyer noong unang semestre ng TA 20012002. Kasabay nito ang pagpapalit ng pangalan na Kagawaran ng Filipinolohiya sa dating Departamento o Kagawaran ng Filipino. Katangian at Kasaklawan bilang Pang-akademikong Programa Bilang programa ay inilarawan ito bilang isang apat na taong akademikong programa na papanday sa potensyal na talino ng mga estudyante sa mga karunungang makakamit

sa Filipinolohiya. Sinasaklaw ng kurso ang wika, panitikan at kultura o pambansang kabihasnan sa pangkalahatan. Nakatuon sa pagkamalikhain (creativity) at sikhayan (scholarly works) ang lalim at lawak ng mga pagpapakadalubhasa sa Filipinolohiya na napakahalaga sa propesyon/disiplinang pagtuturo o pedagohiya at kahusayan sa industriyang komunikasyon. Pinahahalagahan ng pinaunlad na kurso ang kasalukuyang tunguhin ng elektronikong edukasyon o cyberculture sa daigdig kaugnay ng kapakanang pambansa at kagalingang pambayan. Tinutugunan ng kursong Batsilyer ng Sining sa Filipinolohiya ang mga kahingian ng sistema ng edukasyon ng bansa ayon sa sumusunod: 1. Pagpapataas ng pagkilala at pagpapahalaga sa pagka-Pilipino 2. Pakikisangkot sa pagtatatag ng isang lipunang makabansa, maunlad, makatao at makadiyos sa panahon ng sibilisasyong cyberspace 3. Pagkakamit ng karunungan sa dalawang wika—Filipino at ingles. *(sinipi mula sa ABF Kurikulum-2001-02) Nakatuon sa lapit at pamamaraan sa pagpapakadalubhasa hindi lang sa Wikang Filipino kundi maging sa kaugnay na mga disiplina ng karunungan—hindi lang makasining kundi makaagham ang pag-aaral nito (sinipi din mula sa Dalubwika). Bisyon/Pananaw Nakatuon ang programang pang-akademiko ng KF sa paghubog ng mga kabataang mag-aaral na magtatapos sa Filipinolohiya na handang-handang harapin anag hamon ng pagtuturo at/o pananagutan sa industriya ng komunikasyong pangmadla ayon sa kahingiang panlipunan na tumutugon sa bansang malaya, maunlad at matiwasay (sinipi mula sa Kurikulum ng ABFilipinolohiya 2001-02). Misyon Puspusang makikipag-ugnayan ang KF sa iba pang kolehiyo at departamento ng Unibersidad upang patuloy na mapangalagaan ang mahusay na kalidad ng pagtuturo. Ipinoprograma ng Kagawaran ang mga gawaing pananaliksik (ng mga guro at istudyante) na nakatuon sa mga kaganapang pangkarunungan sa daigdig at bansa (sinipi mula sa kurikulum ng ABFilipinolohiya 2001-02). Sa Usapin ng Pagpapahalagang Pangwika Maituturing na ang nukleyo ng Filipinolohiya ay ang wikang Filipino at ang Filipinolohiya ang nukleyo ng Pilipinong Sambayanan.. (Apigo, Kolukyum ng KWL, Enero 29, 2004). Hindi maikakailang isa sa mga pangunahing kailangan nito (Filipinolohiya) ay ang maayos at epektibong pag-aaral at pagpaplano, na kung magkakagayun, walang pasubaling ang pinakaubod nito na wikang Filipino ay may kakayanang tumagos at/o magbunga ng iba pang sangay ng kaalaman at pagaaral na kailangan at kakailanganin ng mga Pilipino sa pagtuklas, pagpapanatili, pagpapaunlad at pagsusulong pang lalo ng Pilipinong Kalinangan at Karunungan (Rio: Nob. 03). Pagkakatulad, Pagkakaiba at Pagkakaugnay Batayang Pangkasanayan 1. Parehong nagsimula bilang isang programang pang-akademiko. Bagamat Doktorado sa UP at batsilyer o BA sa PUP. 2. Matagal na ang Pilipinolohiya sa UP, 1973 hanggang sa kasalukuyan samantalang halos pa-apat na taon pa lang ang Filipinolohiya sa PUP. 3. Kapwa isinilang sa ilalim ng sinag ng Agham at Sining. Ibig sabihi’y kapwa nag-ugat sa kolehiyo ng Agham at Sining ang mga dakilang palaaral na nagkonseptwalisa, ang DAPP at KAL ng UP ay kapwa mula sa dating Kolehiyo ng Sining at Agham (CAS) ng UP samantalang ang Kagawaran ng Filipinolohiya na dating Departamento ng Filipino bagamat nasa ilalim ng dating kolehiyo ng mga wika at Komunikasyong Pangmadla ay nagsimula rin sa ilalim ng kolehiyo ng Sining at Agham. Kahulugan, Prinsipyo, Tuon o Pokus 1. May multidisciplinaryong inklinasyon ang Pilipinolohiya samantalang interdisiplinaryo at holistiko ang tunguhin ng Programang Filipinolohiya (ginamit ko ang tunguhin sapagkat hanggang sa kasalukuyan sa ganang pagpapalagay ay di pa ganap na natatamo ang ganitong layunin ng Filipinolohiya.) 2. Kapwa pundasyon at gabay ng dalawang konsepto ang siyensya o agham.

3. Bukod sa programa, ay pangalan din ng kagawaran ang Filipinolohiya sa PUP. Hindi sa UP. 4. Kapwa nilalayon ng Pilipinolohiya at Filipinolohiya ang makatugon sa pangangailangan ng bansa, bagamat higit na nakapokus lamang sa mabisang pagtuturo at pagiging praktisyuner sa midya ang pokus ng Filipinolohiya bilang programa, samantalang ang Pilipinolohiya naman ay nagsasaad na inaasahang ang mga mag-aaral ay magkaroon ng kasanayan sa o higit sa isang disiplina. Inaasahan din na ang mga magtatapos ng Pilipinolohiya ay makabuo ng pambansang kabihasnan. 5. May pagpapahalaga sa paggamit ng sariling wika ang Pilipinolohiya at Filipinolohiya. Bagamat mahihinuhang bukas ang Filipinolohiya sa pag-aaral ng mga pandaigdig na pananaw at karunungan, gayundin ng wikang Ingles (mababasa ito sa paglalahad ng kurso). Ang Pilipinolohiya bagamat may gayundin pagpapahalaga ay higit na pinapahalagahan ang sariling karunungan, mahihinuha ito sa pahayag ni Dr. Zeus Salazar na “Ang kabihasnang Pilipino bilang katas ng mga kalinangang Pilipino at bilang tunguhing pagbubuo ng bansa ang siyang dapat pagtuunan ng pansin ng Pilipinolohiya. At mula sa kabuuang iyan ay maaari na tayong tumingin sa labas at suriin ang ibat’-ibang bayan ayon sa ating tinutungo at interes bilang bansa.” Bilang Pang-akademikong Programa 1. May tatlong antas ng pag-aaral sa Pilipinolohiya sa UP, BA, MA at PhD, ang Filipinolohiya BA lang. 2. May multidisciplinaryo at holistiko ang tunguhin ng Programang Filipinolohiya (ginamit ko ang tunguhin sapagkat hanggang sa kasalukuyan sa ganang pagpapalagay ay di pa ganap na natatamo ang ganitong layunin ng Filipinolohiya). 3. Kosorsyum ang isa sa naging hakbang para sa pagpapaunlad ng Pilipinolohiya bilang isang programa at disiplina, katuwang ng DAPP ang KAL at Sentrong Asyano. Ang sa Filipinolohiya, minisyon lang at hindi pa nagkakaroon ng katuparan. 4. Bukod sa pagiging programa ay kapwa ikinokonsidera din ang dalawa bilang mga disiplina. Magkagayunman ang PILIPINOLOHIYA ng DAPP bilang programa ay nilikha sa ilalim ng pamunuan ni Dr. Salazar upang mabigyang diin ang pananaw ng kanyang programa na nakaugat sa katutubong kamulatan at kamalayan ng mga Pilipino samantalang ang Filipinolohiya bilang programa ayon sa mentor nito na si Prop. Gandhi Cardenas ay isang programa na nakasalig sa makaagham na pag-aaral sa pinagmulan, kalikasan at ugnayan ng wika, panitikan, kultura, lipunan, kasaysayan, komunikasyon at iba pang batis ng karunungang Pilipino, habang nilalayon din nitong malinang ang mga karunungang ambag ng mga Pilipino sa daigdig ng mga karunungan. 5. Kapwa nilalayon ng dalawang programa na matuto ang mga mag-aaral sa iba’t-ibang disiplina kaalinsabay ang layong makatugon at makatulong sa pangangailangan ng bansa. Sa Ganang Akin—Isang Pagtatangkang Humugpong Matapos mailahad at mapagnilay ang mga nasabing impormasyon, may nabuo akong kasagutan sa sarili kong katanungan na marahil ay tanong din ng marami sa atin, ano nga ba talaga ang Filipinolohiya? Bagamat may pagkakatulad sa Pilipinolohiya ng UP ay may ganap na kaibahan ang Filipinolohiya ng PUP. May distink o tangi itong katangian, tunguhin at dinamismo bilang isang disiplina, larangan at programa di lang sa loob ng akademya kundi sa buhay ng Pilipinong Sambayanan na may pagkilala at pagpapahalaga di lang sa pambansa kundi gayundin sa pangmundong pananaw at karunungan na nakapokus sa Pilipinong kagalingan at kahusayan. Ang Filipinolohiya ay agham na nakatuon sa pag-aaral ng mga Pilipinong kalinangan at karanasan (na nakapaloob at kinapapalooban ng Pilipinong kaisipan, Pilipinong kultura at Pilipinong lipunan) tungo sa pagbuo ng karunungan at kabihasnan na mula, tungo at para sa Pilipino. Bilang disiplina at larangan ay magsisilbing kasangkapan, tagapagtago o imbakan at daluyan nito ang wikang Filipino na maituturing na siyang pinakanukleyo nito. Kasangkapan o midyum na gagamitin sa pagsasaliksik at pag-aaral ng dati na, ng kasalukuyan at ng darating pa sa Pilipinong isipan, kultura at lipunan. Tagapagtago o imbakan ng mga ibubunga ng paghahanap at pagsasaliksik ng dati na, ng kasalukuyan at ng darating pa sa Pilipinong isipan, kultura at lipunan. Gayundin, ay bukal itong dadaluyan ng mga binanggit na sa una upang maipasa ang mga bungang-paghanap at saliksik sa kasunod na henerasyon. Henerasyon na magmamana ng ganap na Pilipinong Karunungan at Kabihasnan. Multidisiplinaryo ang tuon ng Filipinolohiya na gagamitin ng interdisiplinaryong dulog sa pag-aaral. Multidisiplinaryo ang mga tuon ng pag-aaral sapagkat lahat ng mga sanga ng pag-aaral na nasa ilalim ng likas at sosyal na agham o sayans ay gagawing timbulan sa pagsasaliksik at pag-aaral sapagkat magiging malinaw na timbulan nito ang magkakasanib pwersa ng prinsipyo at praktika ng pilosopiya, sining at agham, upang matalunton ang landas tungo sa pagbuo ng Pilipinong Kabihasnan at Karunungan. Paano?

‘Yan ang mahirap na tanong. Subalit yan din po ang hamon sa atin. Mahirap yan kung wala tayong gagawin, kung hindi tayo magsasama-sama at magtutulungan. At pinaka sa lahat ng pinaka ay kundi natin aalagatain na pahalagahan ang napasimulan na natin. Nasa bukana po tayo, sana naman po ay maglooy na tayo. Sa paanong paraan? Pananaliksik ang Pangalan ng Unang Hakbang. Magandang hiramin natin ang ideya ni Dr. Prospero Cubar na sa pananaliksik ang metodo ay kailangang angkop at akma sa datos, kung magkagayun aniya, dapat lang na ang datos ang nagdidikta ng Metodo, hindi metodo ang maghahanap ng datos at hindi ang datos ang kasangkapan ng metodo. Sa tiyakang sabi ay iminumungkahi niya na maging malikhain tayo sa pag-imbento ng metodo ng pananaliksik sa Filipinolohiya. Sa halip na magpakalunod kung gayun sa paggamit ng mga metodong kanluran at galing sa ibang lahi (na pilit nating ikinakapit at ipinangkakahon sa mayaman at malawak na paksa ng pagsasaliksik at pag-aaral natin) ay mas makabubuting lumikom, humanap at tumuklas ng mga pamamaraang sarili at angkop sa ating sariling kaisipan, kultura at lipunan. Gaya ng Pantayong Pananaw na nabuo ni Dr. Zues Salazar, teyoryang Pakapa-kapa ni Dr. Virgilio Enriquez at iba pa. Ang Pangalawa ay Pakikipag-ugnayan sa Loob at Labas ng Akademikong Yunit, sa iba pang Pang-akademikong Institusyon sa pamamagitan ng Pagdaraos ng mga gawaing Sikhayan gaya ng talakayan, kolukyum, seminar at iba pang katulad nito. Kung mababalikan ng ating gunita, nakapagdaos na ng tatlong kolokyum ang ating yunit para sa Filipinolohiya, dalawa sa ilalim ni Prop. Cardenas at isa sa ilalim ni Prop. Asinas na kasalukuyang tagapangulo ng kagawaran. Komon na layunin ng nasabing tatlong kolokyum ay ang pagpapakilala ng kung ano ang Filipinolohiya ng PUP hindi lang sa mga kasama sa yunit kundi maging sa ibang sangay ng ating institusyon at maging sa mga taga-ibang institusyon. May maganda ang kinalabasan subalit gaya ng anumang bago pa lang, medyo hilaw pa ito at makikita pa rin ang maraming kakulangan. Kakulangan na dapat ay matugunan na natin sa kasalukuyan ng mga gawaing pampananaliksik upang ganap na tayong makapaglunsad ng isang pambansang seminar upang ganap na nating maibanyuhay ang Filipinolohiya bilang programa at disiplina. Mainam na dugtungan na natin ang nasabing mga unang gawain sa pamamagitan ng mahigpit at seryosong pakikipag-ugnayan, una sa loob ng ating pamantasan lalo na sa mga yunit, departamento at kolehiyo na may higit na kaugnayan sa ating tunguhin gaya halimbawa ng kolehiyo ng Sining, Kolehiyo ng Agham at iba pa. WISYO NG KONSEPTONG FILIPINOLOHIYA (2002) Bayani S. Abadilla PANIMULA SIPAT-SURI sa dinamismo ng kultura ng bayan o lipunang Pilipino ang likhahuwaran ng sulating pansikhayan. Ang sulatin ay bahagi ng sinusulat na aklat Ganda sa Buhay Pinoy. Isang mapanuring pagtalakay ng pamabansang praxis sa pamantayang estetikal. Iniugnay natin sa konseptong talino—na katawagang sosyo-kultural at may partikular na kabuluhang pedagohikal—ang sulatin para sa kapakanang pagtuturo at pag-aaral sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP). Katotohanan at karunungan ang bukal at daloy ng teksto sa konteksto ng pambansang karanasan at kamalayan. Sabihin pa, kilatis ng isip ng bayan, na may tatak o kulay ng makauring ideolohiya na salasalabat sa kamalayang panlipunan o kultura, ang sentro ng tematikong paglalahad. Hindi mapasusubaliang katotohanan na saligan ng matinong karunungan, na timbulan ng agham at sining, ang nagsusulong (ideomotor o pwersa ng talino) sa kaunlaran ng anumang bayan at alinmang bansa sa ibabaw ng mundo. Sinisihop ng Agham at Sining ang katotohanan na pinahahalagahan ng talino. Kaakibat ng katotohanan ang katarungan sa batas ng buhay. Kaipala, ang totoo sa matalisik na pag-unawa ay may kintal ng kagalingang panlipunan. Etikal na teknolohiya ng sosyedad ang timbulan ng katarungan—damdamin ng bayan sa magaang sabi. Sa buhay tandisang nagaganap ang hidwaan ng mga bayan. Hatid ito ng inter-aktibong sibilisasyon. Sa epistemolohiya, ang kabatiran sa sigalot ng mga bayan ay heopulitika. Sa sigalutan—kalayaan at kasarinlan/soberanya— ang usapin/isyu na nasa hapag ng konsiderasyong hinaharap ng mga lider at/o ng buong bayan. REALIDAD NG LIPUNANG PILIPINO Sa Pilipinas tandisan/obhetibong umiral ng 333 taon (1565-1898) ang rehimeng kolonyal na itinaguyod ng mga lider ng bansang Espanya. Ang realidad na ito ay tahasang bumalewala sa konseptong pagkatao at pagkabayan ng mga Pilipinong tinaguriang Indio o Katutubo. Nawalang saysay ang katagang bansa na timbulan ng patrimonya o pambansang komunidad. Walang kabuluhan ang kalayaan sapagkat hindi ito nakatutugon sa mga pangangailangan (ng mga Pilipino noon) na tahasang humihinga lamang at hindi namumuhay. Walang katuturan ang buhay. Alipin ang mga Indiyo: busabos.

Gobyernong Praylokrasya (pawang mga prayle o kagustuhan ng mga prayle) ang panuntunan sa pamamahala ng mga bagay-bagay na pantao sa buong kapuluan—liban sa dulong silangan ng Mindanaw na matibay ang komunidad ng Muslim sa bisa ng relihiyong Islam. Habang dumadaloy sa kasaysayan ang gobyernong praylokrasya, walang habas namang pinagsasamantalahan ng mga mananakop ang likas na yaman sa Heograpiya ng Pilipinas. (hindi pa Pilipinas ang ngalan sa mapa ng bansa sa buong mundo. Sa sinaunang mapa ng mundo Islas Maniolas ang pangalan ng lupaing Pilipinas. Si Claudio Ptolemy, griyegong topograpista ang naglapat sa pangalan ng bansa sa globo.) Malupit sa mga Indiyo ang gobyernong Praylokrasya. Sapagkat hindi mamamayan ang mga Indiyo: Alipin. Walang karapatan ang alipin. Hindi siya tao sa turing ng mga namamanginoon sa pamumuhay. Taong pisikal lamang ang mga alipin. Dugo o lahing awtranesyano ang mga katutubo o indiyo. Noong 1896, sumiklab ang giyerang Pilipino-Espanyol. Nakilala ito sa kasaysayan ng bayan na “sigaw sa Pugadlawin.” Nagtagumpay ang Katipunan (kilusang mapagpalaya) sa himagsikang nilahukan ng mga alipin. Idineklara sa Kawit, Kabite ang kalayaan ng mga Indiyo—1898. Sa kabuluhang sosyo-pulitikal ang deklarasyon ng kalayaan ay nagbigay buhay sa konseptong bansa ng Pilipinas at pagkabayan ng mga Pilipino. Bukod pa sa katangiang mamamayan ng mga naninirahan sa kapuluan. Kahit pa may mga kapintasan, sa punto ng kapakinabangan ng pinakamalawak na populasyon o karaniwang mamamayan, ang Konstitusyong Malolos sa kabuluhang pulitikal ay malinaw na panandang bato sa kasaysayan na nagtampok sa katangiang estado ng Pilipinas. Ang mga elemento ng estado ay taumbayan, teritoryo, gobyerno at kasarinlan. Sa paglikwad ng kasaysayan, inagaw ng Amerika ang tagumpay na nakamit ng mga Katipunero. Sumiklab ang gerang Pilipino-Amerikano. (Nasa mga aklat ng kasaysayan ang mga datos hinggil sa mapanakop na pakana ng Amerika sa Pilipinas. Pangunahing datos ang tratado ng Paris...) Humupa ang giyerang Pilipino-Amerikano. Gayunman, matagumpay na naitanim ng Amerika ang pangkabuhayan at pampulitikang interes nito sa Pilipinas. Sa maagang yugto ng pananakop ng Amerika sa Pilipinas, edukasyon ang armas kultural ng Estados Unidos para maiwaksi ang katinuan ng madla ang talinong magpapaunlad sa bansa at magdudulot ng katiwasayan sa lipunan. Samantalang nilupig ng kolonyalismong Espanyol ang bait sa isip ng mga katutubo sa pamamagitan ng relihiyon, edukasyon naman ang bumitag sa katinuan ng sambayanang Pilipino sa iskema ng pananakop ng Amerika sa Pilipinas. Diwang kolonyal ang naipunla at nalinang ng edukasyong mga kano ang titser sa maagang yugto na nang lumaon ay mga gurong Pilipino na. Ingles ang midyum ng pagtuturo sa edukasyong itinataguyod ng Amerika sa Pilipinas. Bunga nito, naging pamantayan ng karunungan ang kabihasaan sa pagsasalita sa wikang Ingles. Edukado o marunong ang turing ng lipunan sa mga Pilipinong bihasa mag-Ingles. Sa pamantayang Ingles, ang katalinuhan ay tahasang natiwalag sa kamalayang panlipunan kaipala ding tumitipon sa pambayan at pambansang katuturan. Nagpasalin-salin sa ibat-ibang katauhan ang tatlong larangan ng gobyerno: ehekutibo, lehislatura at hudikatura. Sa halip na bakahin ng mga umuugit sa gobyerno/pamahalaan ang imperyalismo o pananakop ng Amerika sa Pilipinas, sa antas man lang nang kultura, pinatatag pa ng kolektibong aksyon/disposisyon ng mga nasa poder ng estado o nagmamaneho ng Gobyerno ang lansakang etnosidyo o pagwawasak sa kaangkinan/identidad ng madla sa pamamagitan ng wikang Ingles at komersyal na edukasyong pormalismo. Sa pormalismong karunungan ang talino ay nakatuon lamang sa ano ito? At paano ito? Ng mga ideya o bagay sa mga asignatura ng mga kurso. Hindi binubusisi/sinusuri sa pedagohiya ang esensyal o ontolohikal na katangian ng mga ideya, teorya at konseptong hango sa mga karanasan ng sibilisasyong Amerikano at Europiyano. Sabihin pa, tiwalag sa realidad ng lipunan o kapamuhayang Pilipino ang talino ng mga edukado kuno. (sa mga dyornal o aklat maraming diskurso ng progresibo na naglalahad sa maling edukasyon na balakid sa kamulatan ng mga kabataan sa kapaligirang panlipunan—tiwalag ang isip sa reyalidad ng pamumuhay ng sambayanan. Sa kabuluhan ng tama at makatuturang Pilipino, ayon sa kagalingan ng lipunan at kaunlaran ng bansa, lumilitaw na mga intelektwal na idyot yaong nakapagkamit ng mga diploma sa tersiyaryong antas ng edukasyon sapagkat marurunong sila sa napiling disiplina na walang kamuwangan sa tunay na kalagayan ng lipunang Pilipino—batay sa siyentipikong pananaw.) Sa umiiral na gobyernong papet (inutil ang konstitusyon at walang silbi ang kalayaan) malaya’t walang habas na nakakamkam ng malalaking dayuhang imbestor/kapitalista ang masaganang likas na yaman ng bansa. Nakikinabang nang mabuti ang mga dayuhang kapitalista sa murang halaga ng lakas paggawa ng lipunang Pilipino. Higit pa rito, kasangkapan o kakutsaba ng mga dayuhan ang mga taong umuugit sa gobyerno sa pandarayukdok sa mga produktibong elemento ng lipunan. Dahil sa mahigpit na dayuhang kontrol sa kabuhayang bansa, nanatiling atrasado ang ekonomiya: lumalaon bumubuti na sumasama pa sa dati. May lukemya ang ekonomiya. Habang nalulubog naman sa utang panlabas ang buong bayan sa kagagawan ng mga namamahala sa kapakanan ng lipunan o bayan. Ang diwang materyal o kaisipang pera-pera ay nakasigid o malalim ang baon sa kultura ng bayan. Kaipala, salapi ang mahalaga sa kapamuhayang sosyal. Unti-unti hanggang maglaho ang diwang damayan at bayanihan na naisalin ng sinaunang sibilisasyon sa kasalukuyang pamumuhay ng mga Pilipino. Dulot ito ng henosidyo sa kultura na kinasasangkutan ng mga institusyong sosyal na lumulumpo sa katinuan ng bayan. Habang naduduhagi ang pagkatao sa kulturang materyalista, sumibol at bumulas sa kamalayang panlipunan ang diwang anarkistang mapanganib sa katinuan. Sanhi ng kanya-kanyang pag-atupag sa tawag ng

pangangailangan, nalikha ng lipunan yaong “angkan ng Diyos” sa ekonomiya, pulitika at kultura. Sinasalabusab ng mga “angkan ng Diyos” ang yamang sosyal habang iginugumon ang bait ng bayan sa mga kapalaluan at kabulastugan. Bunga nito, nagkawindang-windang sa kultura ang pagpapahalagang pantao, pambayan, pambansa at panlipunan. Habang napipilas ang mga taon sa kasaysayan, parawal nang parawal ang pamumuhay sa lipunan, palagim nang palagim ang kaayusang nagpapalakas sa pagkahayop na nasa mga tao o mamamayang Pilipino. Ang pagkatao ng mga nilalang sa lipunang Pilipino ay may dalawang sangkap: katauhang bayalohikal at katauhang kutural. Sa una, pagkain ang nagpapanatili sa pisikal na anyo ng tao. Sa ikalawa, talino ang sumusustento sa kalikasang tao (rasyonal) –ang talino ay may hibo ng mga kauring kamalayan o class consciousness. ANG BAIT/KATINUAN SA KAMALAYANG PANLIPUNAN Sama-samang diwa o pag-iisip ng mga mamamayan sa lipunan ang kamalayang panlipunan. Mabuti at masama ang kilatis ng kamalayang sosyal, ayon sa kagalingang panlipunan. Mabuti ang diwang nakalilinang sa pagkatao o katauhang kultural. Masama ang isipang nakapipinsala sa pag-unlad ng pagkatao. Sa sosyedad nalilinang ang pagkatao. Sa araw-araw na salimuhaan ng talino ng mga Pilipino, sa hatak ng pangangailangang mabuhay na ibat-iba ang sitwasyon. Napupulpol ng bait ang nakasusing sensibilidad sa sarili ng pagkatao. Ito ang dinamismo ng kultura. Ang bait/katinuan na angkin ng isip ay nasasalang sa komprontasyon sa mga akitan, pingkian at pagbabago ng kalidad ng talino—sa salimuhaan ng mga Pilipino sa lipunan. Sa kapamuhayang makauri ng lipunang Pilipino, tandisang may hibo ng mga uri ng pagkatao ang sensibilidad. Ang mga uring sensibilidad ay nababago sa tagisan ng talino na nagaganap sa dinamismo ng kultura. Sa diskurso ni Amilcar Cabral “The role of culture in the liberation struggle,” inilahad: “culture is the dynamic synthesis, at the level of individual or community consciousness, of the material and spiritual historical reality of a society or a human group, with the relations existing between man and nature as well as among men, and among social classes and sectors.” Isinilang ang mga Pilipino sa isang sistemang kultural na umiinog sa kasaysayan. Nakatimo sa isip ng sambayanan ang sagisag, mga tradisyon, kaugalian, pananaw sa buhay at mga pagpapahalagang pantao. Ito ang kalinangan ng bayan. Sa kalinangan ng bayan masasalamin ang angking katauhan o identidad ng mga mamamayang namumuhay sa lipunan. Wikang Filipino ang pangunahing sumasalamin sa pagkataong Pilipino. Sa wika ng bayan sumisibol at nalilinang ang talino ng sambayanang nakabigkis sa pambansang patrimonya.Sa biyaya ng edukasyon, pormal at di-pormal, nasisinop ang karunungan ng bayang tumatahak sa kasaysayan. Talino ng bayan ang nagtatakda sa kapalaran ng lipunan. Totoo ito kung natatamasa ng sambayanan ang kalayaan at masiglang gumigiling ang soberanyang lumilikha at tumutugon sa mga kahingian ng lipunan sa antas-antas na pagsulong ng sibilisasyong Pilipino. Anumang mabubuti, totoo at magandang kamanyang sa kasaysayan ng bayan, kongkreto o abstrakto, ay pawang nagmula at sinisinop ng bait o matinong kaisipan ng sambayanan. Sa sosyolohiya, may kasabihan: walang taong isang pulo. Samantala sa wisyo ng bayan isinasaad naman na ang sakit ng kalingkingan ay iniinda ng buong katawan. Ang dalawang pilosopiyang sosyolohikal ay maganda sa teorya (larangan ng mga ideya) ngunit paandap-andap na liwanag na lamang, kung baga sa ilaw, kapag iniugnay sa buhay ng lipunang Pilipino sa kasalukuyan. Dulot ito ng kaisipang makasarili na nakabaon sa kamalayang panlipunang nakukulapulan ng oryentasyon at simulaing kapitalismo at pyudalismo. Bago iba ako muna. Ito ang nangingibabaw na diwa sa kamalayang panlipunan. Ang nabanggit na diwa ay sinusuhayan pa ng paano naman ako?. Kaipala, sa kapamuhayang sosyal na kontrolado ng mga angkan ng Diyos, na pera-pera ang kalakaran, matindi ang inseguridad sa kalooban ng mga mamamayan. Ang pagkahumaling ng madla sa salapi ay nagbubulid sa pagkatao ng karaniwang mamamayan sa pagiging paninda na lamang na kung saan tinutumbasan ang talino ng kaukulang dami ng pera. Namumuni ang mga angkan ng Diyos sa kulturang pera-pera. Ang serbisyo sa lipunan ay pay. Wika nga, mukhang pera ang mga tao sa lipunan. Ang lipunang sahol sa makataong sensibilidad ay sadyang kalipunan lamang ng mga hayop. Ang tao ay hayop. Walang makapagpapasubali rito. Tandisang dalawa, na magkasalungat, ang kilatis ng kaisipan sa umiiral na kultura ng lipunang Pilipino: una, diwang burgis at ikalawa, diwang masa. Ang kamalayang burgis o “utak burgis” ay nangingibabaw o dominante sa kamalayang panlipunan. Supil na nakapailalim sa kamalayang sosyal o social psyche ang diwa ng masa na tinatawag na collective unconscious o supil na kamalayan. Sa diyalektikal na reyalidad ng kultura, na kinasasangkutan ng magkasalungat na makauring talino, nagtutunggalian ang diwang burgis at progresibong diwa ng masa. Umiigting at humuhupa ang tunggalian ng makahidwang diwa ayon sa kalagayan ng kabuhayang bansa at kapamaraanan ng pamamahala sa kapakanang pambayan o panlipunan ng mga umuungit sa gobyerno. Sapagkat mahinang-mahina ang bait/katinuan sa kamalayang panlipunan ginigiyagis ang kalooban ng madla ng krisis sa ekonomiya, krisis sa pulitika na tumatagos sa kultura. Liban sa napakaliit na progresibng elemento ng lipunan, na di nababalisa sa krisis, sa pangkalahatan sadyang ikinababahala ng madla ang krisis. Sa pananaw o sipat-suri ng matinong isip ng mga progresibo, sa lipunan ang krisis ay palatandaan lamang ng pagbuwelo ng pagbabago sa buong himaymay ng buhay ng lipunang

Pilipino. Matitino ang mga progresibong elemento ng lipunan sapagkat nakasalig sa agham ang karunungan nilang gabay sa sistematikong pagtuturo. Sa matinong pagkukuro, na pinagsikhayan ng matalisik na pag-aaral, ideomotor o pwersang kultural ang talinong makatao, makabayan at mapagpalaya na maghahatid sa lipunan sa inaasam na matiwasay na pamumuhay na idinudulot ng industriyalisasyon at modernisasyon ng agrikultura sa ilalim ng makalipunang oryentasyon o simulain ng pamumuhay. Tanging sa wisyo ng bayang malaya, sa kilatis na maka-agham, makalipunan at mapagpaunlad, masusumpungan ng lipunang Pilipino ang pagkawala ng pagkahayop sa pagkatao. Tatalas ang sensibilidad ng bayan na lumilikha sa kanyang kapalaran. Sa antas ng epistemolohiya, lipunan ang bukal ng karunungan at lunduan ng katalinuhang umaayon sa kahingian ng pagbabago. Perpetuwal ang pagbabago. Ang hindi lang nagbabago ay pagbabago. Sa pambansang prexis (aksiyon at repleksiyon ng bayan), na nagtitika sa mga panlabas na salik, alinsunod sa diwang makatao hahangaan at igagalang ng ibang lahi ng sangkatauhan ang lahing kayumanggi. Sa dimensyon ng sosyedad na ginagalawan ng talino o bait ng bayan, mamamayan ang lumilikha ng kasaysayan ng bayan at hindi yaong mga lider. Ang tunay na mga lider ay masasabing sikohenesis, ubod ng kolektibong kamalayang angkin ng indibidwal, epitomya ang lider ng damdamin at adhikain ng bayan. Si Gat. Andres Bonifacio, suprema ng katipunan ay halimbawa ng sikohenesis. Ulirang katauhan ang sikohenesis sa sikohistorya. Walang talinong makapagpapasimula sa batas ng kasaysayan. Ang buhay ng lipunan ay natatakdaan ng batas ng kasaysayan. Soberanya/kapangyarihan ng buong bayan, na ibinubugso ng kalayaan, ang susulong sa batas ng kasaysayan. Ang soberanya/kasarinlan ay malayang aksiyon at repleksiyon o gawa at isip ng sambayanang lumilikha ng kanyang kapalaran. Ito ang pambansang praxis o praktika at teorya ng nagbabagong pamumuhay sa lipunan. Ang batas ng kasaysayan ay organikong nakapangyayari sa batas ng kontradiksyon na kinatatampukan ng diyalektika: nag-aakitan, nagsasaniban, nagpipingkian at nagbabago ang mga bagay na may buhay. ANG TALINO NG BAYAN Produkto o bunga ng karunungan ang talino. Wisyo ang pinong anyo ng talino. Gumagana ang wisyo sa hamon ng mga pangangailangan sa pamumuhay ng lipunan. Diyalektikal ang kalikasan ng talino: likha ng karunungan at nababago ng karunungan: umuunlad ang karunungan sa tumatalas na talino. Ayon sa mga kaalaman at impormasyon sa antropolohiya, napukaw ang talino ng mga mababangis na taong-bundok o taong-gubat, na ninuno ng lahing kayumanggi, nang pagkiskisin nila ang dalawang batong lumikha ng apoy. Ang sitwasyon ng pagkiskisan sa dalawang bato ay akto ng paggawa: apoy ang nalikha. Sa antropolohiyang pag-aaral hinggil sa tao, malinaw ang kabatirang naging tao ang bakulaw sa pamamagitan ng paggawa. Naghunos ang hayop sa pagiging tao. Tinatayang 250,000 hanggang 500,00 taon, sumaklaw sa panahong Paleolitiko, ang nilakaran sa kasaysayan sa antas-antas na pag-unlad o pagbabago sa anyo’t katangian ng Homo Erectus Pilipinensis. Ninuno ng lahing kayumanggi na namuhay sa Islas Maniolas, sinauna o orihinal na pangalan o tatak sa heograpiya ng kapuluan sa sinauang mapa ng mundo o globo. Si Claudio Ptolemy, griyegong topograpista o gumagawa ng mapa ang naglapat sa pangalan ng bansa sa sinaunang mapa ng mundo. Magala ang mga bakulaw, sa maliit na pulutong, naglalakad sila sa kabundukan o kagubatan na nanginginain ng mga bungang kahoy, nanghuhuli ng hayop para kainin at nagtatago sa yungib/kuweba para magkanlong sa malakas at matagal na pagbuhos ng ulan at matinding lamig ng kapaligiran. Sa lalawigan ng Kagayan natagpuan ang ilang labi ng sinaunang kagamitan sa pamumuhay ng mga Pilipino. Kasangkapan iyon ng Homo Erectus Pilipinensis, ayon sa mga arkiyologo. Mapapansin sa kasaysayan o sibilisasyon ang diyalektikal na realidad ng paggawa at talino na luminang/lumilinang sa kalikasan ng tao. Habang patuloy na nakikipagtunggali ang tao sa kalikasan (natural na kapaligiran) umunlad nang umunlad ang talino sa kanyang isip. Sa batas ng kalikasan na kinasasangkutan ng tao at natural na kapaligiran, makapangyarihan ang tao (pinakamataas na anyo ng kalikasan) dahil nabiyayaan siya ng talino. Ang angking talino ng tao ay tumatalas sa paggawa—na nakalilikha sa gusto o pangangailangan ng tao sa pamumuhay sa ibabaw ng mundo. Ang pinagmulan o etimolohiya ng talino at katangian o kalikasan nito (ontolohiya) ay may ganitong pangitain: Ang galaw ng mga kamay sa pagkikiskisan ng dalawang bato ay sitwasyon ng paggawa—apoy ang nalikha. Sa bisa ng paglikha ng apoy sa paggawa, nabago nang nabago ang pamumuhay ng sinaunang mga nilalang sa Islas Maniolas. Sa patuloy o walang humpay na katangian ng paggawa, naghunos ang hayop (bakulaw) na naging tao. Sa tugunan ng paggawa at natural na kapaligiran, may nalilikha, nalilinang naman ng lakas ng katawan ang talino sa isip. Ang pagtugon ng talino sa paggawa sa udyok ng gusto o naisin ay bugso ng kalayaan sa akit ng pangangailangan. Ideomotor o pwersa ng kalayaan ang talinong gumagawa/lumilikha. Ang paggawa ay gintong mohon sa kasaysayan ng sibilisasyong Pilipino. Walang sibilisasyon kung walang paggawa. Nakasapit ang paggawa at talino sa kasalukuyang kabihasnan na malakolonyal at malapyudal. Kaugnay nito, nalikha ng paggawa at talino ang mga uri ng pagkatao sa lipunang Pilipino. Habang sumusulong ang sibilisasyong Pilipino obhetibo/tandisang nakasangkot ang mga uri ng pagkatao sa hatak ng buhay na kinasasangkutan ng makauring

talino o ideolohiya. Kinategorya ng mga sosyologo ang talino sa kaisipang burgis at kaisipang proletaryo o anakpawis. Ang kaisipan o talino ng mga uring burgis: kapitalista-komprador, burukrasiya-kapitalista at petiburgis ay nasasapian ng pilosopiyang idealismo at metapisikal. Sa kaisipang idealista, ideya ang saligan ng katotohanan kaugnay ng mga bagaybagay na may buhay o walang buhay. Sa kabilang banda, ang kaisipan ng uring proletaryo o anakpawis ay nakabatay sa materyal na realidad ng buhay na sinasalamin lamang ng mga ideya. Sa pagsipat ng talinong proletaryo sa mga abstrakto o kongkretong mga bagay pawang historikal--diyalektikal—historikal—materyalismo ang pilosopiyang nakatanglaw sa katalinuhan. Permanente sa talinong burgis ang mga bagay-bagay kaugnay ng buhay. Sa talinong proletaryo, nagbabago sa esensiya at anyo ang mga bagay-bagay sampu ng talino o karunungan. Ang reyalidad ng nagbabagong mga bagay ay tandisang kumikilos sa diyalektikal na proseso: nag-aakitan, nagsasanib, nagpipingkian at nagbabago. DINAMISMO NG TALINO SA LIPUNAN Sa hatak ng pangangailangan nagkakaugnayan ang mga makauring talino sa lipunang Pilipino. May pamamaraan ang talino na tumutugon sa akit ng pangangailangan, gusto at layunin na pawang kaakibat ng pamumuhay sa lipunan. Ang kilatis ng talino na humalubilo at umaatupag sa mga bagay-bagay kaugnay ng pamumuhay ay tinatawag na ideolohiya. Ang ideolohiya na kapamaraanan ng isip na saligan ng talinong umaatupag o lumulutas sa mga usaping pangkaranungan ay makikilatis sa uri sa pamamagitan ng katanungang para kangino ang talino? Natutukoy samakatwid ang talino ng uri ng pagkatao sa disposisyon o pagpapasya na umaayon sa kapakanan o kabutihan ng uri ng mga pagkatao sa lipunan. Ang talinong burgis ay nakaayon at nangangalaga sa interes at kagalingan ng uring burgesya. Gayundin sa talinong proletaryado na kumakalinga sa kapakanan ng uring anakpawis. Ang makauring talino ay matatagpuan sa mga batas, patakaran, sulating pansikhayan o diskurso, literatura at ibang likhang sining at sa karaniwang araw-araw na mga gawain sa ibat-ibang larangan ng pamumuhay sa lipunan. Nagaakitan at nagpipingkian ang mga makauring talino sa pabrika (kapitalista vs. Manggagawa), pagsasaka (propitaryo vs. Magsasaka) sa gobyerno (namumuno vs. Mamamayan) at iba pa. Sa tagisan ng talino o tunggaliang ideolohikal—hatid ng kapakanan o kagalingang makauri—karaniwang nagbubundulan ang mga emosyon. May mga pagkakataong nakukubabawan ng pagkahayop ang pagkatao—lalo na sa pingkian ng kapangyarihan na iginigiit ng karapatan—sa gayon, humahantong sa karahasan ang gilgilan ng mga makauring talino. Sapagkat istratehikong magkasalungat sa kapakanan at karapatan, mistulang langis at tubig, kung baga, ang uring anakpawis at burgis kaya lagi at laging kinatatampukan ng dahas ang kanilang kusang pagtugon sa mga kabuluhan at katuturan ng buhay sa lipunan. Ang tunggalian ng mga uri ng mga pagkatao, sa antas ng diwa o interes sa pamumuhay, ay tahasang nakukulapulan ng mga motibo at intensyon. Ito ang reyalidad ng sikolohiya. Sa siko-sosyolohikal na dimensyon umiinog ang makauring kamalayang ibinubugso ng makauring disposisyong tumutugon sa makauring kapakanan o kagalingan.Samantala, sa dimensyong sosyo-pulitikal obhetibo/tandisang nakasangkot ang gobyerno sa tunggalian ng mga uri ng mga mamamayan sa lipunang sibil. Pawang mga batas, patakaran at alituntunin ang anyo ng pagkakasangkot ng gobyerno sa tunggalian ng mga uri ng pagkatao sa lipunan. Burukrasya ang institusyonal na mekanismong umaatupag/umaasikaso sa mga suliraning pinagbabangayan ng mga uri ng mga pagkatao sa katakdaan ng interes at kagalingang makauri. Ang kontradiksyon, sa pamumuhay, ng mga uri ng mga tao sa lipunan ay may katangiang antagonistiko at di-antagonistiko. Sa prebilihiyadong pedestal/ kinaroroonan ng iilang angkan ng Diyos (10% ng 85 milyong populasyon) at marawal na pamumuhay ng masa (katawagan sa lahat ng uri sa lipunan na api at napagsasamantalahan) tahasang antagonistiko ang mga suliraning kinasasangkutan ng magkahidwang mga uri. Sa hanay ng masa di-antagonistiko (madaling ayusin ang karaniwang hinampuhan o di-pagkakaunawaan) ang mga suliranin. Sa agham ng karunungan o epistemolohiya ang walang humpay na dinamikong galaw ng talino ay tinatawag na sikohistorya, nakakulapol sa talino ang mga motibo at intensyon. May anyo at kulay ang mga talino ayon sa makauring pananaw at paninindigan. ANG MGA APARATO NG IDEOLOIHYA Lingid sa kaalaman ng mga karaniwang tao sa lipunang Pilipino na ang kanilang asal , ugali, gusto, hilig, pananaw sa buhay, paninindigan ay pawang hinuhutok ng mga aparatong ideolohikal: pamilya, paaralan, simbahan, gobyerno at mas midya. Ang mga aparato ng ideolohiya ay pawang mga institusyong panlipunang nagdidirehe sa mga kagawian o aktitud (kusang reaksyon ng isip sa mga bagay-bagay na may buhay o wala.) Ang mga kagawian ay likas na nasasaniban ng motibo at intensiyon. Sabihin pa, mga aparato ng ideolohiya ang obhetibong lunsaran, daluyan at buweltahan ng umiiral na talino sa antas ng kultura ng bayan. Mayroong tagapaghatid at may tagatanggap sa mga produktong pangkultura (mga ideya, batas, aliwan...) na pinaiinog ng mga isip sa dinamismo ng kultura. Liban sa pamilya, pinagkakaitan ang operasyon ng mga aparato ng ideolohiya. Sa gayon, industriya ng utak ang pagtingin ng mga pantas sa komunikasyong panlipunan sa tahasang negosyong katuturan ng operasyon ng mga aparato

ng ideolohiya. Samantala, sa dimensyong kultural, isang lambat-bitag ng kamalayang panlipunan ang mga aparato ng ideolohiya—lalo na ang mas midya. Kapitalista-komprador ang taguri ng mga pantas sa komunikasyong sosyal sa mga taong nagkakamali ng limpak-limpak na salapi sa industriya ng utak na itinataguyod ng mga aparato ng ideolohiya. Inihahasik at nillinang ng mga aparato ng ideolohiya sa kamalayang panlipunan ang kaisipang palasuko, palatakas, patalo, palasisi, kabalastugan at walang bahala sa mga parokyano (publiko/madla). Kaugnay nito, tahasang paninda, ang pagtingin ng uring kapitalista, sa mga taong binabayaran nila ang serbisyo para wasakin o lasunin ang bait/katinuan ng mga mamamayan sa lipunan upang mamumini sila sa kaayusang sosyal na di-makatao. ANG FILIPINOLOHIYA SA EPISTEMOLOHIYA Sistema ng paglinang sa talino ang edukasyon. Isa itong unti-unti at antas-antas na proseso sa pedagohiya o pagtuturo at pag-aaral. Nakaprograma sa paaralan o akademya ang paglinang sa talino, agham at sining ang timbulan ng pedagohiya. Isip ang pinagtutuunan ng pedagohiya. Sa diwang ito ang sistema ng edukasyon ng lipunang Pilipino—sa simulain. Layunin at gawain—ay dapat na mabulas na tumutugon sa adhikain ng lipunan, layunin ng mga mamamayan at kagustuhan ng bayan sa pamumuhay na matiwasay at maunlad. Malusog at malikhain kamalayang panlipunan ang pinagsisikhayang linangin ng mga iskolar o pantas ng buhay ng lipunan. Taliwas sa nabanggit ang katotohanang umiiral sa sistema ng edukasyon. Marurunong ang produkto ng umiiral na sistema ng edukasyon. Marurunong ang produkto ng umiiral na sistema ng edukasyon. Marurunong na tanga o intelektwal idyot ang mga tituladong nakalatag sa ibat-ibang propesyon. Marunong ang taong may mga kaalaman sa isip. Idyot ang walang kamuwangan sa realidad ng buhay. Ang kabuluhan ng karunungan ay laging nasa kapakinabangan at kabutihan ng lipunan. Lipunan ay may-ari ng karunungan. Prangkisa, sa anyo ng lisensya, ang pahintulot na ipinagkakaloob ng lipunan sa mga propesyunal—guro, doktor, inhenyero atbp.—sa paggamit ng kanilang karunungan na may kabayaran ang serbisyo sa lipunan. Hindi, kailanman sa pangkalahatan, inaalintana ng mga propesyunal ang kagalingang panlipunan sa kanilang opisyo o paghahanapbuhay. Mahina o tahasang wala sa talino ng mga propesyonal yaong pagpapahalagang pantao, panlipunan, pambayan at pambansa. Makasarili ang mga propesyonal. Hatid ito ng napakasamang sistemang sosyal na malakolonyal at malapyudal na tahasang siklo sa reyalidad ng ekonomiya, pulitika at hanggang sa antas ng kultura. Sa pagkatao, napupukaw ang pagkamakasarili dahil tandisang nakasanib sa kamalayang panlipunan ang kalikasang hayop at nakatining ito sa kultura ng bayan. Matira-matibay ang pilosopiya ng buhay sa lipunang Pilipino. Sapagkat nabuo na ng kabihasnan ang kolektibong sarili sa kilatis ng katauhan ng mga uri ng pagkatao sa lipunan. Nagmamalasakitan ang iwing kolektibong sarili sa kauri na kapinsalaan o kapahamakan naman ng ibang uri. Nagagatungan pa ang pansariling tendensya ng magkakahidwaang kolektibong sarili sa mga uri ng mga tao sa lipunang Pilipino ng kaisipang rehiyonalismo. Isang anyo ng kulturang pyudal ang rehiyonalismo—makitid sa pananaw ng katuturan ng salimuhaang panlipunan na balakid sa pambayan at pambansang kagalingan. Ang mapaminsalang talino ng mga Pilipino, sa punto ng kabutihang panlipunan at kagalingang pambansa, ay dulot ng dispalinghadong edukasyong itinataguyod ng paaralan o akademya. Katunayan, tinutulan nga ng mga kabataang estudyante ang edukasyong komersyal, kolonyal at pormalistiko. Aktibong mawawasak ang pagkamakasarili sa kolektibong sarili ng mga uri ng pagkatao sa lipunan sa pamamagitan lamang ng karunungang Pilipino, na mula sa mga karanasan ng sambayanang Pilipino sa Luzon, Visayas at Mindanaw— sinisinop ng akademya—para sa kaunlaran ng bansa at kabutihan ng sambayanang Pilipino. Wikang Filipino, na bigkis ng iba-ibang wikang lalawiganin o bernakular, ang tanging makalilinang sa talino ng sambayanan na makatao, makalipunan, makabayan at may pandaigdigang pananaw. Sa dinamismo ng talinong makalipunan mapaghuhunos sa katauhan ang makasariling tendensya. Ang uri ng pagkatao na pangunahing itinatakda sa relasyon sa produksyon ng yamang panlipunan ay gradwal na mapupurga (itatakwil ang kahayupan sa sarili) sa radikal na paglilinis sa katauhan ng edukasyong makatao. Titining sa kultura ng bayan ang diwang makatao. Epistemolohiya, agham ng karunungan, ang lunsaran at sinupan ng pambansang karunungan na Filipinolohiya: pilosopiyang Pilipino, lohikang Pilipino at paninindigang Pilipino. Sa katuturang akademiko ang Filipinolohiya ay ukol sa mga kursong dapat bukal ng mga katalinuhang panlipunan na inter-aktibong pinagsisikhayan ng guro at estudyante sa sitwasyong pedagohikal. Totoo, mabuti at maganda sa pambansang praxis (aksiyon at repleksyon) na sinisihop sa agham at sining na sasalamin sa kabutihan ng lipunan ang tungkulin ng akademya na Filipinolohiya ang oryentasyon. May pananagutan ang mga guro sa akademya sa pananatili ng mapaminsalang talinong nakasanib sa kamalayang panlipunan ng kabihasnang Pilipino. Dapat magtika ang kaguruan at magiting na harapin ang marawal at malagim na reyalidad sa lipunan. Mababago nila ang reyalidad kung babaguhin muna ng kaguruan ang angking talinong hinubog ng pormal na maling edukasyon. Inuuk-ok ng mapaminsalang talino ang bait/katinuan ng kaguruan sa partikular at sa pangkalahatan ang diwang makabayan at progresibo na maghahatid sa lipunan sa kaluwalhatian. Masakit ilahad ngunit ito ang totoo: sa mapanuring pagkukuro, mistulang punerarya ng utak ang akademya at ang mga guro ay embalsamador ng talino. Masakit ang katotohanan ngunit nagtuturo.

Related Documents


More Documents from "Anna Jeramos"